Nakakatawa naman talaga ang nangyari kay Jan-Jan.
Isipin mo nga naman, naghangad lang siya ng isang gabing kaligayahan sa inakala niyang “knight in shining armor” pero ang kinahinatnan niya’y ang malagyan ng isang canister sa loob ng kanyang puwit.
Nakakatawa dahil ang naging mitsa ng lahat ng ito ay ang kanyang katangahan, o sa medyo pinong pananatila, kawalang-ingat.
Pero labas sa usapin ng “nakakatawang pangyayari,” ang naging reaksyon ng mga medikong rumesponde sa kanya sa loob ng Vicente Sotto Memorial Hospital (VSMH), ay nakakabahala at nakapagngingitngit.
Mulat nilang linabag ang kanilang sumpa bilang mga manggagamot. Habang tinatahi nila ang sugat na sanhi ng katangahan ni “Jan-Jan”, nagtatawanan pang hiniwaan naman nila ito ng mas malaking sugat gamit ang isang cellphone camera at Youtube.
Ang ganitong pangyayari ay manipestasyon lamang ng nananatiling mababang pagtingin ng lipunang Pilipino sa mga bakla, at sa kanilang paraan ng pagtatalik. Ang ganitong klase ng pagtingin ay karaniwan na nating itinatransporma bilang pandidiri at kalokohan (malakas kasi ang imahinasyon ng mga machong Pinoy).
Ang Video
Nang mapanood ko ang video, inakala kong isa itong educational material. Yun bang tipo ng video na maaaring gamitin para sa pagtuturo ng tamang paraan ng pag-oopera.
Pero nung makita ko na ang mukha ng ilang nakatawang mediko, ganundin ang bungisngisan sa background, kagyat na nagbago ang aking paghuhusga sa obheto ng video.
Ang video ay isang “graffiti”. Paraan ng mga imbweltong mediko sa naturang “makasaysayang operasyon” para sabihing “we are here”, isang karaniwang gawain kapag nakakarating tayo sa mga lugar na bihirang mapuntahan ng iba o kaya’y sa lugar na pinangyarihan ng isang kakaibang kaganapan. Yun and dahilan kung bakit nagawa pang ngumiti ng ilan sa harap ng kamera.
Youtube
Pero nang in-upload ito sa Youtube, nag-iba na ang pangkalahatang timpla at mensahe ng video. Hindi na ito simpleng pagbibida sa mga personal na kakilala. Isa na itong walang pakundangang pagkakalat ng “tsismis” sa buong mundo, gamit ang pinakabagong behikulo ng tsismis sa web.
Dahil sa kawalan ng sapat na paliwanag, na siya sanang “gagabay” sa direksyon ng video, naging isa itong panibagong behikulo para sa mga mapanghusgang pananaw sa mga bakla sa buong mundo.
Ang dating mala-lagdang “graffiti” ay naging isa nang “discriminatory graffiti” na ubos-lakas na humihiyaw ng “BAKLAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAA!” sa buong mundo.
Sino Ngayon ang May-sala?
Otomatikong maituturong maysala si Jan-Jan. Pinabayaan niya ang kanyang sarili nang dahil lang sa isang matinding pagnanasa. Ang aral ay otomatiko ring natutunan ni “Jan-Jan” nang maganap sa kanya ang naturang pangyayari.
Isa pang may-sala ay ang mga medikong rumesponde sa kanya. Lumabag sila sa kanilang sinumpaang tungkulin. Linabag nila ang karapatan sa “privacy” ni “Jan-Jan” . At ang ganitong klase ng paglabag nila ay pawang pinagpapanagot ng batas.
May sala rin ang pamunuan ng VSMH. Ang kanilang walang-kahihiyang pagtatakip sa mga kriminal na nakasuot ng puting roba, ay isang hayagang paglabag sa batas, at sa etika ng pagiging isang bahay-pagamutan.
At Sino ang Tunay na Bakla?
Sa matsong depinisyon ng mga Pinoy, ang “bakla” ay isang lalaking may pusong babae, isang mahinang klase ng lalaki na palagiang ilinalampaso. Sila ang mga lalaking ginagawang bahag ang buntot at takot humarap sa mga hamon ng buhay na dapat hinaharap ng isang tunay na lalaki.
Hmm… kung sa kanyang depinisyon tayo magbabatay ng paghuhusga, sino sa tingin niyo ang tunay na bakla? Sino ang tunay na eskandalosong bakla? Si “Jan-Jan” ba na buong tapang na hinarap ang kanyang problema, o ang mga taong nasa loob ng VSMH na nananatiling nakatago sa closet ng kahihiyang sila rin lang naman ang may likha?
Isip-isip.