Thursday, February 21, 2008

HINGGIL SA “COMMUNAL ACTION”

Habang mabilis na tinatanggap ng mas nakararaming masa ng sambayanang Pilipino ang panawagang communal action ng simbahan, ang mga “matatalinong taong” nakakumpol sa mga grupong kung tawagin ay “civil society”, pati na yaong mga nasa tradisyunal na oposisyon, ay nagkakamot ang ulo sa pag-unawa sa naturang panawagan ng simbahan. Ang ilan ay may bayag pang sabihin na “weak” ang naturang pahayag ng simbahan, ang iba naman ay nagkasya sa pagtawag ditong “vague”.

Narito ang aking pananaw sa kung bakit hindi maunawaan ng mga taong nabanggit ko ang naging panawagan ng CBCP.

Power Play ang mekanismong nagpapa-andar ngayon sa mga taong nasa “civil society” at tradisyunal na oposisyon. Sumasakay ang mga grupong ito sa isyu ng NBN-ZTE Scam para makabalik sa puwesto at siya na namang mangurakot sa kaban ng bayan. Sa kanilang pananaw, dahil nagkandakumahog sila sa pagpapahayag ng suporta kay Jun Lozada, sila ang “wastong” tao o grupong dapat mailuklok sabay sa inaasam nilang “change of leadership.”

Sa labanan ng “good and evil” mabilis silang nagpostura bilang mga alagad ng mga Jedi Masters. At otomatikong pinagtuturo ang kanilang katunggali bilang mga nasa dark side of the force.

Nabisto ang tunay nilang kulay nang itayo nila ang Council for Moral Recovery, at ng magsipaglabasan ang mga dating opisyal ng pamahalaan para lumagda sa isang panawagan laban sa kasalukuyang rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Nais kung gayon ng mga taong ito na muling ialay sa kanila ng simbahan ang mga mananampalataya nito para magsilbing sasakyan nila papasok sa kapangyarihan, sa Malakanyang. At hindi nila inaasahan ang pahayag na ito ng CBCP, kaya para hindi sila mapahiya, nagpapanggap na lang sila bilang mga “hindi nakakaunawa.”

Hindi sila marunong bumasa ng kalagayan ng lipunan, ayon na rin sa karanasan natin mula sa nakaraan. Naniniwala ang mga taong ito na nauulit ang kasaysayan. Kaya naman ipinupuwesto nila ang kanilang mga sarili para makinabang “sa pag-ulit ng kasaysayan.”

Ito ang mga taong walang pakialam sa bayan. Ni hindi sila nag-organisa ng mamamayan. Ni hindi sila tumapak sa mga palayan. Ni hindi sila nakatikim ng pagod sa mga pagawaan. Pero heto’t nagkukumahog sila sa pag-claim ng kapangyarihan. Huwag nating kalimutan ang partisipasyon nila sa EDSA dos. Pagkatapos mailuklok si Gloria, nailuklok din sila sa poder. At pagkatapos nilang mailuklok, sila naman ang nangurakot. Tanda nyo pa ba ang isyung kinasangkutan ng CODE?

Pero ano nga ba ang communal action na ito?

Bilang isang simpleng Katoliko, ang panawagang communal action ay tinitingnan ko bilang isang tipo ng pagkilala ng simbahan sa “political maturity” ng taumbayan. Ang makailang-ulit na pananamlay ng mamamayan sa isang mala-EDSA’ng tipo ng pagkilos ay sumalamin sa pangkalahatang pulso hinggil sa potensyal ng sinumang papalit sa puwesto na maging kapareho ng papalitan nitong politico. Kaya nga mas binigyang diin ng simbahan ngayon ang pagbubukas pa ng ilang posibilidad, na mas maunlad kaysa sa nauna. Pero dahil kinikilala na nito ang political maturity ng sambayanan, ingat itong pangunahan ang taumbayan sa kung anong porma ng pagkilos ang dapat nitong isapraktika. Kaya nga “pray together” (united call), “decide together” (pagkakaisa), “act together” (sama-samang pagkilos), ang naging panawagan. Sa kung anuman ang dapat gawin, ipinapaubaya na ng simbahan sa atin ang desisyon at responsibilidad.

Isa rin itong manipestasyon na natuto na ang simbahan sa mga pagkakamaling luwal ng unang dalawang kilusang EDSA. Ang lantad na pagkakaugnay ng simbahan sa mga desisyong politikal (dahil sa naging papel noon ni Cardinal Sin), ay nagsilbing butas na binalik-balikan ng mga politiko sa bawat pagkakataong naiipit sila at nawawalan ng idadahilan. Kesyo ang simbahan daw ang nagluklok kay Cory na siya namang nagpatupad ng Low Intensity Conflict na lumikha sa napakaraming internal refugee sa bansa, at siyang may kasalanan sa naganap na Mendiola Massacre. Kesyo ang simbahan daw ang nagluklok kay Gloria na siya ngayong nagbigay sa atin ng Human Security Act, PP1017, EO464, Oplan Bantay Laya, extra-judicial killings, at iba pa. Kaya nga nais ng simbahang tayong mga tao ang kumilos at maging responsable sa ating mga desisyon.

Tayo ang magpatalsik sa pamahalaang tayo ang nagluklok sa pamamagitan ng eleksyon. At tayo ang manindigan sa kawastuhan ng ating magiging aksyon.

Well… kung nahihirapan pa kayo, pwede naman tayong magsimula sa isang noise barrage ngayong Byernes, Pebrero 22, sa ganap na ika-6 hanggang 7 ng gabi.

At abangan na lang natin kung saan tutungo ang noise barrage na ito. J

No comments: