Tuesday, December 25, 2007


IKAWALONG LABAS, IKALAWANG TAON


Pinakislot ng bigong pagtatangka ng grupo ni Sen. Trillanes ang buong bansa. Mula sa de-erkong kuwarto ng isang mamahaling otel, tumagos hanggang sa kadulu-duluhang abot ng radyo at telibisyon ang takbo ng buong pangyayari, lalo na ang hindi makatarungan at kontrobersyal na pag-handle ng mga may kapangyarihan sa mga kagawad ng midyang naroroo't nagkokober ng mga kaganapan.

Ang mga kartung laman ng ikawalong labas ng Editorial CARTOONS ay isang pagtatangka, na ilahad ang isa pang pananaw hinggil sa pangyayaring yaon na kinilala ngayong Manila Pen Siege.

Swak na swak ang katawagang ito lalo na't ang Pen ay kumakatawan sa midya. Sa isyung ito'y nais naming ilahad na ang tunay na kinubkob ay hindi ang otel, kundi ang ating kalayaang maka-alam at ang anak nitong kalayaan sa pamamahayag.

Laman din ng isyung ito ang isang artikomiks hinggil sa Dengue, na naghahatid ng mariing punto na ang tao at hindi ang lamok ang tunay na nagkakalat ng dengue sa buong mundo.

Sana po ay magustuhan ninyo ito. Maligayang Pasko po! Manigong Bagong Taon na rin. :)
-----------------------------
(ang sumusunod na teksto naman ay ang posisyon namin hinggil sa pagpaslang sa isang kasama sa industriya, si Ferdinand 'Batman' Lintuan ng dxGO sa Davao. ang tekstong ito ay nakapaskil sa back cover ng ikawalong labas ng CARTOONS.)
PARA SA BATMAN NG DAVAO
Habang ginagawa namin ang magasing ito, nabiktima ng kultura ng karahasan at kawalang pakialam ng pamahalaan ang isa na namang mamamahayag.Si ‘Batman’ Lintuan, isang batikan at epektibong komentarista ng MBC sa lungsod ng Davao, ay pinaslang ng mga galamay ng pinaghihinalaang grupo o indibidwal na nasagasaan ng kanyang palabang dila.
Ang pagkakapaslang kay ‘Batman ay isang mapait na paalala sa ating lahat na hindi titigil at walang balak tumigil ang mga alagad ng karahasan, kasamaan, pandarambong, at kainutilan, na gumamit ng patraydor na armadong dahas para patahimikin ang mga katulad ni ‘Batman’ na nagbubunyag ng mga katotohanan.
Ganundin, ang pagkakapaslang kay ‘Batman’ ay isa pa ring mapait na patunay, na wala nang ‘due process’ sa mga mamamahayag na nakabase sa mga probinsya at yaong mga nakabilang sa mga maliliit na institusyon ng pamamahayag.
Ang pumaslang kay ‘Batman’ at sa iba pang mga lehitimong mamamahayag sa nakalipas na mga taon ay yaong mga grupo o indibidwal na may itinatago sa batas. Kaya’t ang paraan ng paglilinis nila ng kanilang mga pangalan ay hindi naaayon sa batas ng demokrasya, bagkus ay ayon sa batas ng karuwagang nakatago sa mga pulbura at tingga.
Ngunit hindi mapipigil ng marahas na pagkamatay ni ‘Batman’ ang kwerpo ng mamamahayag sa bansa na tumatangan sa responsableng pamamahayag.
Mula sa lugar na kinabuwalan ni ‘Batman’ ay uusbong, tutubo, yayabong, mamumulaklak at mamumunga ang marami pang bagong ‘Batman’.
Dahil hangga’t nananatiling isa sa mga karapatan natin ang maka-alam, tuluy-tuloy na dadami ang mga indibidwal na magiging ahente ng kalayaan sa pamamahayag at kalayaan sa pagpapahayag.
Ang pagpupugay ng Editorial CARTOONS ay ilalakip lang namin sa isang salita, at iniaalay namin ito sa mga kasamahan natin sa midya, sa mga bagong henerasyon ng mga mamamahayag, sa buong sambayanan, at sa mga martir ng malayang pamamahayag: PADAYON!

No comments: